RSS

Kwentong Pambata - Finalist 4

Luis Madungis
blog : Eloiski.com


Madungis at mabaho ang batang si Luis.  Hindi siya mahilig maligo.  Hindi siya mahilig magsepilyo.  Hindi nga rin siya nagsusuklay kung kaya’t ang buhok niya ay kaygulo.  Ang mga gawaing ito para sa kanya ay sagabal lamang sa kanyang  paglalaro.

“Luis Madungis” ang tawag ng mga kalaro niya sa kanya.  Kadalasan, ayaw makipaglaro ng mga bata sa kanya dahil sa mabaho niyang amoy.  Kung siya man ay isasali sa laro, ayaw nila siyang maging kakampi.  Lagi kasing natatalo ang grupo niya dahil sa kanyang pagkakamot.  Madalas kasi ang pangangati ng katawan ni Luis kung kaya’t madalas din ang pagkakamot.  Dahil dito, hindi siya msyadong makapokus sa kanyang paglalaro.  Bawat takbo, kamot.  Bawat talon, kamot. Bawat habol, kamot.
Sa kanilang tahanan, madalas siyang pinapagalitan ni Aling Sisa, ang kanyang ina.  Napakatamad kasing maligo nito.  Minsan, inutusan siya ni Aling Sisa na maligo dahil tatlong araw na itong hindi naliligo.


“Anak, maligo ka naman.  Ang baho-baho at ang dungis mo na.  Iyang damit mo, hindi mo pa pinapalitan.” utos ni Aling Sisa.

“Eh nay.  Naligo na po ako noon ah… Kelan na ba ulit ‘yon?” sagot naman ni Luis.

“Ay naku Luis!  Sige na maligo ka na.  Hinanda ko na ang pampaligo mo.  Hala sige!”  galit na tugon ng kanyang ina.

Wala nang nagawa ang batang si Luis kaya pumasok na lamang ito sa banyo.  Ngunit matindi talaga ang kamataran ng bata.  Kinuha niya ang tabo at saka sumalok ng tubig.  Kumuha siya ng kaunting tubig at winisik-wisikan lamang ang kanyang sarili.  Ang kanyang buhok ay kanya lamang binasa.  Pagkatapos, labas agad siya ng tahanan at naglaro.

Dumaan pa ang mahabang panahon ngunit hindi nagbago ang gawi ni Luis.  Hindi pa rin siya madalas maligo.  Hindi pa rin siya nagsesepilyo.  Itinuturing pa rin niya ang mga gawaing ito na sagabal sa kanyang paglalaro.  Hindi pa rin siya nagsususklay kung kaya’t ang buhok niya’y nananatiling magulo.  Dahil sa katamaran ni Luis, mas lalong kumapal ang libag niya, bumaho ang amoy at nabulok ang mga ngipin.

Isang araw, habang siya’y naglalaro kasama ang ilang mga bata, biglang may mga halimaw na lumitaw sa kanilang lugar. 

“Halimaw!  Halimaw! Mga higanteng langaw! Takbo! Dali!” sigaw ng mga bata. 
At tumakbo nga silang lahat .  Ngunit tila si Luis lamang ang nais ng mga halimaw na habulin.  Binilisan ni Luis ang kanyang pagtakbo ngunit bigla na namang nangati ang kanyang katawan.  Huminto muna siya at kinamot muli ang katawan.  Tumakbo siyang muli pero heto at naabutan na siya ng mga halimaw.  Dudukutin na sana si Luis ng halimaw nang biglang may sumagip sa kanya.  Inilipad siya nito palayo, sa lugar na walang mga halimaw.

“Sino po kayo?” tanong ni Luis sa nilalang na sumagip sa kanya.
“Huwag ka nang mag-alala, kami na ang bahala sa mga halimaw.  Ako nga pala si Super Sabon.  Siya si Kapitan Tubig. At siya naman si Magiting na Sepilyo.  Kami ang Tropang Kalinisan.” tugon ni Super Sabon.
Binalikan nila Super Sabon, Kapitan Tubig at Magiting na Sepilyo ang mga halimaw. 
“Sa ngalan ng kalinisan at kaayusan, kami ang Tropang Kalinisan.  Ito ang para sa inyo!” sabay-sabay na sigaw ng tatlo.
Ginamit nila ang kanilang mga kapangyarihan para kalabanin ang mga halimaw. 
“Bula-bula!  Sabon-sabon! Po-po-power!” sigaw ni Super Sabon kasabay ang paglitaw ng mga tila bulang bomba na tumatama sa mga kalaban.
“Super Duper Splash!” sigaw ni Kapitan Tubig kasabay ang napakaliwanag na ilaw mula sa mga palad niya patungo sa kalaban.
“Brush Brush Attack!” sigaw ni Magiting na Sepilyo kasabay ang pagpana nito sa mga kalaban. 
Wasak ang mga halimaw.  Walang natira kahit katiting.  Tila naglaho sila na parang bula.
Binalikan ng Tropang Kalinisan si Luis at siyay’y binigyan ng payo. 
“Luis, lagi mong tatandaang maligo araw-araw.  Ito ay isang gawaing hindi dapat katamaran.  Panatilihin mo dapat na malinis ang iyong katawan upang ang mga maruruming halimaw ay maiwasan.  O sige!  Paalam kaibigang Luis.” payo ni Super Sabon.
Dahil sa pangyayari, sinunod na nga ni Luis ang Tropang Kalinisan at ang kanyang ina.  Mula noon, lagi nang naliligo, nagsesepilyo at naglilinis ng katawan si Luis.  Malinis at mabango na ang bata.  Hindi na siya tinatawag na Luis Madungis.  Sa halip, siya na ngayon si Luis Malinis.





  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

1 comments:

michael sartin said...

makikihiram po ng kuwento mo... salamt po.

Post a Comment