RSS

Maikling Kwento - Finalist 1


Ang Dalawang Tulay ng Balat-Kahoy
blog : Oh. my doodles!

         Labing-limang taon, uminog ang kanyang buhay sa lugar na ito.Isang liblib na lugar sa paanan ng kabundukan ng Makiling at Banahaw sa bayan ng Mauban,Quezon na tinatawag nilang Balat-Kahoy. Dito rin siya isinilang. Saksi ang kanyang kamusmusan kung paanong hinawan ng kanyang ama ang iba’t ibang puno sa panganga-ingin. Kalaunan, ang nahawang lupa ay tinaniman naman ng mga iba’t-ibang gulay na siya nilang naging kabuhayan. Sa paghihintay ng anihan, nag-uuling ng kahoy ang kanyang ama na dinadala nila sa bayan ng Mauban upang ipagbili. Ang kapayakan ng buhay nilang ito ay mukha ng pagdarahop para sa kanya.Iyon ang nag-pursigi sa kanya upang mag-aral kahit pa nga higit yata sa apat na milya ang nilalakad niya araw-araw at dalawang ilog ang tinatawid bago marating ang paaralan.

Ang gayong kondisyon ay tiniis niyang lahat, kasama na ng kawalang-suporta ng kanyang Ama at Ina sa nakaraang apat na taon.Noong nakaraang buwan lamang,natapos niya ang kanyang hayskul. Hudyat iyon para tuluyan nang takasan ang lugar na ito na nagpatubo ng hinanakit at galit sa kanyang puso. Ang nakaraang apat na taon ng naudlot na planong pag-alis,matutupad na rin bukas.


‘Patayin mo na yang gasera at aksaya sa ga-as…’Tinig iyon ng kanyang ama na natatanaw niyang nakatalikod mula sa bintana habang naninigarilyo.

‘Maanong ngayong bakasyon eh tigil-tigilan mo na muna yang kahahawak sa mga peste mong mga libro!’

Mula sa pagkaka-upo,umusad siyang papalapit sa nakasinding gasera. Sa andap na liwanag, hinugot niya mula sa pahina ng hawak niyang libro ang larawan ng kanyang kuya Loloy.

‘Patutunayan ko kina Ama at Ina na hindi nasayang ang naging sakripisyo mo kuya…’May pumatak na luha sa kanyang mga mata bago muling iniipit ang larawan sa pahina ng libro kasama ang pitong daang pisong mga papel saka ito isinilid sa maliit na plastic bag na naglalaman ng ilan niyang mga damit at gamit na gagamitin niya sa kanyang pag-alis bukas bago tuluyang hinipan ang sindi ng ilawan.

*********************************************************************

Bumubuhos ang malakas na ulan. Kitang-kita niya mula sa bintana ng kanilang silid-aralan ang hagupit ng hangin kasabay ng ugong nito. Marami na siyang nakitang ganitong kalakas na ulan at ihip ng hangin subalit ngayon lamang siya nakaramdam ng takot.Paano kasi’y ngayon lamang siya napag-isang malayo sa kanyang Ama’t Ina at kuya Loloy ng datnan ng ganitong bagyo.

‘Puputulin na natin ang klase…maaari nang umuwi ang malalapit lang ang uuwian at yung may mga sundo…’ Nilalabanan ng tinig ng kanilang guro ang lakas ng hangin sa labas ng paaralan nilang sa tingin niya ay hindi na rin ligtas pang panatilian.

Isa-isang dumating ang magulang o di’ kaya’y sundo ng kanyang mga kamag-aral. Sa mga nakahambalang na payong sa pintuan ng kanilang silid-aralan, nagliwanag mandin pansumandali ang buong paligid ng makita niya mula sa labas ang kanyang kuya Loloy. Dali-dali niyang sinilid ang kanyang gamit saka patakbong tinungo ang pintuan.
‘Kuya,salamat!’

‘Madali tayo’t ng hindi tayo abutan ng dilim.Akin na yang bag mo at hawakan mo itong payong saka ka pumasan sa likod ko…
‘Kuya,maglalakad na lang ako…’

‘Kow…kaylakas ng hangin,eh!Tangayin ka pa niya’t mauna pa sa bahay. eh di ako naman ang nalintikan kay Ama? Halika na!’ Pilit nito kung kaya’t pumasan na rin siya. Sabagay,batak ang kanyang kuya Loloy sa pagbubuhat ng sako-sakong saging at mga gulay kapag nagbababa ito at ang kanyang Ama ng kalakal sa bayan.

‘Hanga naman kasi ako sa’yo Carlito,eh! Kasama na ng panahon ey pinilit mo pa ring pumasok! Nung ako’y bahagya lang umambon ay talaga naming tamad na…hahaha!’

‘ Kuya, hindi ka ba nabibigatan?’

‘ Ay, bunso… kay bigat mo nga…ramdam ko ang mga gusaling itatayo mo ey! Siya, hindi ako susuko basta ba ipangako mong kapag inhinyero ka na…ipagagawa mo yung mga tulay dito para sa gaya kong tamad tumawid ng ilog para mag-aral! Oh, siya! Kumapit ka’t heto na ang ilog!’

Malakas ang agos.Tatlong ulit kumpara nang tinawid niya ito kanina sa tantiya niya. Mabilis ang matatag na hakbang ng kuya niya sa pagtawid.Nang malapit na sa kabilang pampang,hinapit siya nito papunta sa harapan upang maunang tumawid.

Sa paglipat niyang iyon,nahulog ang bag niya na nakakawit sa harapan ng kanyang kuya dahilan para mabilis itong agusin palayo sa kanyang kuya.

‘Ay,nakow!’ Sa isang-iglap,tinalon ng kuya Loloy niya ang malalim na bahagi ng ilog para habulin ang bag.

‘Kuya…Huwag na!!!’

Nahagip pa nito ang bag saka humawak sa sanga ng puno bago ubos lakas na inihagis sa direksiyon niya ang bag.

‘Kuya…huwag kang bibitiw!’

‘Kumuha ka ng kahoy…i-abot mo sa akin!’ Nakita niyang unti-unting nilalamon ng malakas na agos ang lugar ng kanyang kuya.

Nagpalinga-linga siya.Naghahanap ng kahoy o anumang bagay na maaaring ipanghila sa kanyang kuya Loloy subalit wala siyang makita.

Dumilim ang paligid.Lumaki ang agos ng ilog.Nakita nya ang kuya Loloy niya na inagos palayo hanggang sa tuluyan itong mawala sa paningin n’ya.

‘Kuya Loloy!!! Kuya!!! ‘ Humalo ang kanyang luha sa ulan.Ang palahaw niyang iyak ay nilamon ng daluyong ng hangin.

‘Putang-ina kasi…putang ina kasi…’ Mula sa dilim ay nakita niya ang kanyang Ama na papalapit.Tinangka niyang hawakan ang kamay nito subalit tinabig nito ang kanyang kamay.
‘Sinabi ko na kasing huwag ka nang pumasok!’

‘May pagsusulit kami Ama…Walang binanggit ang guro tungkol sa…’ Niluwal ng karimlan ang isang pamilyar na hugis.Iyo’y hugis ng kanyang mahal na Ina.

‘Ina…hindi ko po sinasadya…’ Umiiyak s’ya subalit nakita niya ang panglaw sa mata ng ina.
‘Ina,hindi ko po sinasadya…mahal ko si kuya!’ Tumalikod ang kanyang Ina na hindi man lang umimik at nilamon na rin ito ng kadiliman.Kasunod na nilamon ng dilim ang Ama.

‘KUYAAAAA!!!’

Naiwan siya sa gitna ng ulan.Binabayo ng nag-aalimpuyong hangin at binibingi ng lagaslas ng nangangalit na ilog.

Higit apat na taon na siyang paulit-ulit dinadalaw ng masamang panaginip na iyon.Higit apat na taon na rin na hindi natatagpuan ang bangkay ng kanyang kuya Loloy mula ng nilamon ito ng ilog matapos siyang sunduin sa paaralan ng araw na iyon na bumabagyo.


Umaga.Bahagya pa lang ang liwanag.Dahan-dahan niyang hinila ang plastic bag na naglalaman ng kanyang ilang damit at gamit patungo sa kung saan man siya dadalhin ng kanyang pagtakas.Maingat niyang binuksan ang pintuang kawayan ng kanilang bahay upang lumabas.Nakakailang hakbang pa lang siya sa patungo sa kanilang trangkahan ng mapansin niya ang lalaking nakatingin sa kanya sa labas ng kanilang bakuran.

‘Kay gandang araw ‘di ba?’ Nakatingin ito sa gawing Silangan kung saan nagsisimula nang sumaboy ang silahis ng araw.Nakangiti ito na para bang siyang-siya sa ganda ng nakikita..

‘Sino ka?’ May pagkalitong tanong niya.Sa mangilan-ngilang malalayong kapit-bahay at mga sundalo’t rebeldeng napadaraan sa kanilang lugar,hindi niya nakita pa kahit kailan ang isang ito..
‘Narinig ko ang lagaslas ng tubig sa kawayan…nais ko lang sanang maki-inom kung pwede.’ Dumiretso ito sa trangkahan.Sinalubong niya ito ng bukas.Nakatitig ito sa kanya at nakangiti pa rin.Sa tantiya niya…nasa dalawampu’t dalawa hanggang dalawampu’t-lima ang lalaki..

‘Uminom ka na lang…’ Lumabas siya habang pumasok naman ang ‘di-kilalang panauhin..
‘Ang tataba ng talong,ganundin ang mga okra. Mabiyaya ang lupa rito. Hindi maipagka-kaila sa lusog ng mga kamatis!’

‘Kumuha ka ng makakain mo at umalis bago magising si Ama!’May halong inis at diin ang tinig niya.
‘Tubig lang. Mahirap kumain ng iba ang nagtanim.’ Nakangiti pa rin ang lalaki.

’Ako nga pala si Carding.’

Lumapit ito sa kanya.akmang i-aabot nito ang kamay ng bumukas ang pintuan ng kanilang kubo at lumabas ang kanyang Ama.

‘Magandang umaga po!’ Sa Ama niya nakabaling ang lalaki.Tila nakapinta sa mukha nito ang ngiti.
‘Gandang umaga rin sa’yo…sino ka nga pala’t ano ang maipaglilingkod ko?’ Ang kanyang Ama,marahil kinikilala sa pupungas-pungas na mata ang panauhin.

‘Samuel ‘ho…Hindi ko kasi maiwasang masdan ang tanim ninyo’t ngayon lang ho ako nakakita ng ganito kalulusog at kalalaking talong okra’t kamatis!’ Tinuturo nito ang direksiyon ng taniman na hindi kalayuan sa kanilang bahay.

‘Hindi yan libre…’ Lalong naging seryoso ang mukha nang kanyang Ama.


‘Wala po akong planong manghingi.subalit wala rin naman akong ibabayad…pero kung papayag kayo,maaari akong makitulong sa pag-aani kapalit ng ilang piraso niyan.’ Mas naging matamis ang ngiti nito at mas malapad pa.

‘Kakaiba ka sa mga tao rito,ano? Halos lahat kasi’y gusto lang palitan ko ng kalakal ang papuri nila sa pinagpapawisan ko ey!’Lumapit ang kanyang Ama sa panauhin.

‘Ey,Carlito…pumasok ka nga rito’t pagtimpla mo kami ni Samuel ng kape! Mahirap naman yatang sumabak sa trabaho ng malamig ang sikmura…’Utos ng kanyang Ama habang akbay-akbay nito ang nagpakilalang si Samuel.

‘Anu ba iyang dala mong plastic? Liliban ka na naman ba sa gawain? Tanong-usisa ng kanyang Ama.
‘Isasauli ko lang ho sana ang…’Pagkakaila niya na pinutol na rin ng kanyang Ama.

‘Ilaga mo yang mga aklat mo na ‘yan at saka mo i-sabaw sa kanin para may almusal ka!Basta’t kami’y ipagtimpla mo ng kape para makapag simula na sa gawain,ano Samuel?’

Tumalima siya sa utos ng Ama.Naiwan ang dalawang nagku-kwentuhan samantalang pumasok siya sa kusina para maglaga ng kape. Habang binabantayan ang nakasalang na pakuluan,nauulinigan niya ang biruan ng kanyang Ama at ni Samuel.Kinagaangan agad ng loob ng kanyang Ama ang lalaki.

‘Sino ‘ga yung kahuntahan ng iyong Ama’t akala mo kinikilti?’ Bihira siyang kibuin ng kanyang Ina subalit mas bihira para sa kanilang marinig ang kanyang Ama na tumawa man lamang mula ang malagim na trahedyang sinapit ng kanyang kuya Loloy.

‘Samuel daw ‘ho.Itsurang taga-Maynila sa tindig eh!Tutulong daw kay Ama sa pag-aani sa bukid.’
‘Aba’y wala tayong papa-sweldo, maigi sana kung hindi binabarat sa bayan yung mga gulay!’

‘Hihingi lang daw ho ng ilan!’

‘Ey, mabuti naman dahil kung ikaw ang aasahan ng iyong Ama, aba’y mangangabulok lamang ang kanyang pinagpapaguran!’Asik ng Inang sumama na rin sa kwentuhan ni Samuel at kanyang Ama.

*************************************************************************

Ipinagpaliban niya ang pag-alis.Hindi kalayuan sa kanya ang taniman at kitang-kita niya ang
masiglang pag-aani ng dalawang lalaki sa mga talong,okra’t kamatis na inilalagay nila sa sako.Paminsan-minsan siyang napapalingon sa gawi ng mga ito lalo pa’t naririnig niya ang malakas na tawanan ng dalawa.

‘Carlito! Pasabihan mo nga ang Ina’y mong magluto ng tinola at kami’y talagang patang-pata sa gutom at pagod nitong si Samuel!…Maigi pang ikaw na ang humuli ng dumalaga diyan sa silong!’

Nawala pansumandali ang hinanakit niya sa panauhing kinagaanan ng loob ng kanyang Ama.Kailan nga ba siya huling nakatikim ng tinola? Ah,noon pang buhay ang kanyang kuya Loloy dahil paborito iyon ng kanyang kuya.

Sa harap ng hapag, bakas ang sigla ng kanyang Ama’t Ina sa kausap na panauhin.

‘Ito palang si Samuel eh laking probinsiya rin! Akalain mong pinag-aaral sa Maynila eh mas gusto raw niyang magbanat ng buto sa mga bukid?Aba’y gaya ni…’ Bahagyang sumeryoso ang mukha ng Ama.

‘May ulo pero mas gusto ang trabahong pan-lalaki kaya’t ayaw mag-aral!’ Pagtutuloy ng kanyang Ina.

‘Naniniwala ‘ho kasi ako na nasa ganitong payak na buhay ang tunay na kapayapaan at kasaganaan…’

‘Kow,Samuel…baka kamo ikaw eh may nabuntis lamang na taga siyudad ano?’Pagbibiro ng kanyang Ama.

‘Ay, hindi ho Mang Caloy…ang totoo’y gusto ko lang ‘ho talagang takasan ang eskwela. Gusto ko ho kasing ipagpatuloy ang gawain ng aking Ama sa pagbubukid doon sa amin.Su-surpresahin ko ho siya’t panay kasi ang sabi noon na lampa raw ako para sa gayung gawain!’

‘Baligtad kayo nitong si Carlito. Ere’y may katawan kaysa sa kuya niya pero ang gusto’y libro at eskwela!’ Nakangiti ang kanyang Ama at noon lang muli niyang nakita ang ngiti nito.Noon lang rin niya muling narinig ang kanyang Ama na binanggit ang tungkol sa kuya niya ng walang sumbat na tingin mula rito.

‘Bilis-bilisan ninyo’t ililigpit ko pa ang pinagkainan para maipaghanda ko kayo ng ginataang mais sa minindal.’

Nanibago siya sa kinikilos ng kanyang Ama’t Ina.Paano’y dati rati,siya ang laging inuutusan na magligpit at maghugas ng mga pinagkainan.At ginataang mais sa minindal? Di yata’t patay na siya at binangungot noong nakaraang gabi sa panaginip niya…

‘Tutuloy na kami ng maabutan naming mainit ang ginataang mais mo,mahal!’

Kapwa sila napatda ng kanyang Ina sa narinig.Mahal. Pagmamahal.Pagmamahalan.Tinangay iyon lahat ng bagyo at ilog kasama ng kanyang kuya Loloy.

‘Mag-iingat kayo. Nga pala’t ibili mo nga ako ng bagong duster sa pamilihan. Aba’y kupas na ang lahat ng damit ko dito ey!’

‘Maganda ka pa rin naman ,Mahal ey!’

Patay na nga siya at ito ang paraisong hinahanap niya sa lupa simula nang mawala ang kanyang kuya Loloy.









Nakita niyang pumasok ng trangkahan ang kanyang Ama bitbit ang pinamili nito sa bayan. Kung dati rati’y alak ang dala, ngayo’y may dala itong supot ng damit para sa kanyang Ina.

‘Isukat mo yan!Tila kasi maliit ang nabili ko, ey! Paano ba nama’y ang huli kong tanda’y balingkinitan ka pa. Aba’y nagkalaman ka na rin kakakain ng gulay!’ Pagbibiro ng kanyang Ama.

‘Bakit hindi mo kasama si Samuel?’ Pagtatakang tanong ng kanyang Ina.

‘Paano’y nagmamadali’t may pulong pa nga raw pala siyang nakaligtaan dahil sa gutom ng magawi dito kanina! Babalik na lang daw siya kapag mag-aani ulit…Nga pala Carlito, ito’y para sa’yo raw. Nang sa gayon daw ay hindi ka nagigising ng maaga’t nalalaman mo ang oras at araw kung kalian nagbubukas ang aklatan sa bayan.Paano ba nama’y Sabado nga naman at iyo’y sarado.Bata ka talaga,oo!’Iniabot sa kanya nang Ama ang isang relos.

‘Tanggi ako’t yan naman daw ay napanalunan niya sa manunugal dun sa Lucena kaya’t ipinilit ey!
Natuwa naman daw siya sa kagandahang asal mo’t sipag mag-aral kaya talaga namang iginiit eh! Kalokong bata.Tuparin mo na lang daw ang pangarap mo’t palitan mo na lang daw iyan ng kahit isang pintuan sa gusali mong itatayo.Naiyabang ko kasi ang sigasig mong maging inhinyero…’

Pinagmasdan niyang mabuti ang orasang pambisig.Kulay itim.Mas matingkad ng kaunti kaysa sa kanyang balat.

‘Aba’y isuot mo na…isukat mo na rin itong polong binili ko sa’yo.’

Nangilid ang luha sa mata niya.

‘Bukas tayo’y luluwas ng iyong Ina’t dadalawin natin ang tiyahin mo sa Maynila.Kay tagal ko na ring hindi nabibisita ang bunso kong kapatid eh.’

Mabilis nagbalik ang kanyang hinanakit.Naisip niyang bukas,hihiwalay siya sa mga magulang upang mag-isang hanapin ang kapalaran niya sa lungsod.Ngayong wala na si Samuel,anu mang araw ay babalik sa dati ang kanyang mga magulang.Nabantuan lang ang pangungulila ng kanyang mga magulang sa kanyang kuya Loloy sa katauhan ni Samuel.

‘Ipapaki-usap kitang dumoon muna nang makapag-aral ka ng kolehiyo.’

Tuluyang pumatak ang mga butil ng luha sa kanyang mga mata.

Giniik ng kanyang Ama ang kanyang buhok.

‘Patawarin mo ako,anak.Ang laki ng naging pagkukulang ko sa inyo ng iyong Ina.’
Pinahiran ng kanyang Ina ang mga butil ng luhang nahulog sa pisngi nito.Kanina pa pala nito naririnig ang pag-uusap ng mag-ama.

‘Lalamig na yung ginataan.Anak,halika na.’Tawag paglalambing sa kanila ng kanyang Ina habang masuyo nitong inabot ang kamay nila ng kanyang Ama

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

9 comments:

King of Herbs said...

sa limang finalists itong maikling kuwento ang napili ko. Na meet nito ang mga kailangan ng isang maikling kuwento.

buhay na buhay ang mga characters. buhay na buhay ang actions, dialogues at thoughts. at ang ganda ng presentation.

sa unang arangkada palang ng kuwento, nakita natin na ang main character dito ay humarap na agad ng problema - at doon nagsimula ang napagandang plotting ng kuwento.

na inject dito ng napaka husay ang mga nakaraan na naging dahilan ng problema at mga hinanakit, sa puso, sa isip at sa buong pagkatao niya hanggang sa naresolbahan ito.

ang ganda ng ending...

pruelpo

JonathanAquino said...

Meron ba pa mas masakit sa pag saksi sa kamatayan ng isang mahal sa buhay? Antig me, Like ko siya, promise!

Anonymous said...

congrats! you did a very good one here :) nakakantig ng damdamin

Anonymous said...

hay wla n bang iba?

Anonymous said...

common and worn out.

rona said...

arrrRRRgggg..ang haba..next time pkilagay ng buod..sumaskt ulo ko!

evan mac khinley said...

oy hindi enjjoy ang buod noh. haha. lam mo galing ng kwento mo. like the story. kasing galing ng sakin...

Anonymous said...

sino ang awtor?

Anonymous said...

napakaganda po ng kwento. san na kaya c kuya niya

Post a Comment