RSS

Balikbayan Box - kwentong pambata

"Balikbayan Box"
Kategorya : Kwentong Pambata
blogger : Gracia Amor



Saan nga ba maitutulad ang isang BALIKBAYAN BOX 

Ang balikbayan box parang mga tsokolate sa isang box na masarap sa paningin,  halo-halo at hindi mo alam ang lasa nito, kung hindi mo siya susubukang tikman. 

Ang aking kuwento ay patungkol sa mga OFW at kanilang Balikbayan Box. Ito ay magsisimula sa Titer na nagngangalang Nena. Ang aking kaibigan, isang Guru/Librarian sa isang kilalang pristesyosong paaralan dito sa Kuwait. Tumatayong padre de pamilya at may tatlong anak sa Pilipinas na binubuhay. Tapos ng pagka-Guro at Nurse,  na parehong may mataas na marka sa Board Exam  at medalyang nakamit sa pagtatapos nito  sa isang kilalang unibersidad sa Pilipinas.
Kumikita ng halagang hindi kayang kitain ng isang guro at call center agent  sa 'Pinas si Titser Nena.

Kaya naman pikit matang nilisan ni Titser Nena ang bansa para kanyang buhayin ang mga anak at mapaghandaan ang mga susunod nitong taon sa pag-aaral, kahit ang kapalit nito'y pangungulila sa  mga yakap at haplos. 

Nais ni Titser Nena na makapag-laman ng mga magagandang bagay para sa kanyang mga magagandang supling na si Lina panganay na anak, Joey solong anak na lalaki at Let-let, ang bunso. 


Si Lina ay dalagita at nasa edad 13 taong gulang. Kung magkaroon man sila ng pag-uusap ni Titser Nena mula sa internet, na aking nasasaksihan sa tuwing ako'y magagawi sa silid nito para siya ay aking kamustahin. Lagi kong napupuna ang pagmamaktol ng bata sa kadahilanang nais nito ng magandang bag, sapatos, damit, pang-pinta sa kuko na kung tawagin ay "nail polish" sa Ingles at disenyo para sa kuko din. Napa-isip akong bigla samantalang ako sa edad na lagpas kalendaryo na ay hindi nagalaw ang aking kuko ng manikurista kung tawagin, at hindi nalagyan ng kahit ano mang kulay. Pero iba na yata ang mga kabataan sa henerasyon ngayon, may iba't-iba pang disenyo ang kuko bukod sa kulay, pero maraming ganun nga dito, mga ganitong ka-kikayan kung sambitin. Pero tila hindi pa natatapos dito ang kanyang mga hinihingi at may lipstick at make-up pa. Aba naman sambit ko sa aking sarili, samantalang lip shinner lang ang nilalagay ko sa aking labi at hindi lipstick. Sa kadahilanang kundi ka maglalagay nito ay mag-bibitak-bitak ang iyong mga labi. Naka-graduate  nga ako't lahat-lahat at nasa masteral ng aking pag-aaral na hindi nakapag-lagay ng anuman sa mukha kahit nasa trabaho pa. Pero kaiba ngayon ang mga nais ng ibang kabataan. Eto na ba talaga ang henerasyon ngayon o sadyang nagkukulang lang ng gabay sila 


Pagkatapos ni Lina, ay si Joey naman ang nakipag-usap ang solo nitong anak na lalaki, ayun at ang hinihingi naman nito ay PSP at may pahabol pang winikang "Ma, iyong bagong modelo ah!". 


At sa huli ang bunso naman si Let-let, na pilit pang pinatawag ni Titser Nena dahil abalang-abala ang bata sa panonood naman ng cartoons na palabas. Sa paglapit naman sa computer nito para siya'y i-chat bungad agad nito ang mga paborito nitong laruan,  tulad ng mga napapanood nito. Marami siyang sinabi at halos hindi ko naman kilala, iba sa kinalakihan ko na sina, She-ra, Care bears, Rainbow Brite na dati kong kinagigiliwanat sila lang ang alam kong cartoon karakters, pero ngayon may Anime pang sinasabi... Bandang huli ay tila umiiyak din ito at nais ng isang bagong celphone na may camera. 

Pero alinman sa kanila, nakakalungkot at hindi man lang nakamusta si Titser Nena. Na siyang aking hinihintay  na ibungad sa kanya. Habang ako ay nakikinig sa usapan nila at habang pinag-mamasdan si Titser Nena sa kabilang dulo ng kamang kanyang inuupuan katapat ang kanyang laptop. 


Sa aking pagmamasid batid ko na ang takbo ng kanilang usapan, isang tugon lang ang aking nakita kay Titser Nena, iyon ang pagkuha ng isang papel at panulat.Habang madaling isinulat ang mga hiling ng kanyang mahal sa buhay.

Ano nga ba ang magandang ilaman sa isang Balikbayan Box? Halika ka at ating silipin ang laman ng Balikbayan Box ni Titser Nena.


Bago pa lamang dito sa Kuwait si Titser Nena, kaya't sinasamahan at binigyang gabay na din sa kanyang mga pamimili para sa mga makaka-menos gastusin ng konti sa pagpapadala sa mga mahal natin sa buhay sa Pinas. 


Habang kami naman ay namimili, napapansin kong kokonting pagkain lang para sa kanya ang napamili niya at halos puro pang-lagay sa Balikbayan Box nito ang kanyang mga naipamili. Mga iba't-ibang kilalang mga tsokolate, pagkain  at sapatos, bag at kung ano-ano pa na nasa listahan mula sa kanyang mga anak. 
Unang ikatlong buwan pa lamang niya sa Kuwait ay hindi na maipaliwanag nito ang nararamdaman nitong tuwa sa pag iipon ng mga pinamili niya para sa kanyang Balikbayan Box, Kahit pa sabihing inuukupahan ng lungkot ang puso nito sa kanyang mga sinasapit na buhay bilang isang OFW. 

Ngunit sa aming  pagkain, pagkatapos naming mamili ay tinipid nya ng husto ang sarili sa pagkain at kung may matira, kanyang iuuwi upang makain muli sa hapunan.


Matapos ang aming pamimili, siksik-liglig umaapaw na ang  kanyang kabinet. 
Na sana kung ating lamang silang nakakausap, nayayakap, ay mas higit pa sa materyal na bagay na  ito ating maipaparamdam. 

Kapalit ng mga masasarap na lutuin para sa kanyang pamilya na may lakip sana ng pagmamahal. 


Eto na ang  pinaka exciting na sandali ng isang OFW , ang magpadala ng isang Balikbayan Box para sa kanyang mga mahal sa buhay. Naglalaman ng sari't-saring pagmamahal, na sinamahan ng pagtitiis at pag-titipid.


Akin naman siyang buong pusong tinulungan para maiayos ang Box sa tamang paraan, maiwasto ang paglalagay ng tamang mga pinamili nito at gumamit ng mga paraan upang huwag masira o may matapon sa alinmang mga pinamili nito. 
Ang dating madilim at walang lamang Balikbayan box 
Ngayon ay puno na ng liwanag at pagmamahal. 
Bukod sa pagbibigay emosyonal na katugunan sa mga hinaing ni Titser Nena sa akin na tunay na  nakapag pagaan sa kanyang kalooban at ganun na din sa akin.  Tinulungan ko na din ito sa pag-aayos ng Balikbayan Box, mula pagbili nito hanggang sa pagsasara at maipadala sa 'Pinas. 

Ayan at nakahanda na ang mga pinamili ang pinag-ipunan ng ilang buwan din, mga Balikbayan Box ng aking mga kasamahan. Tumawag na ako sa kilala at suking pinadadalhan ng mga Balikbayan Box dito sa Kuwait para maipadala na ang Box sa mga susunod na araw. 
At maitutulad mo naman sa maliit box na ito ang Balikbayan Box, binalot ng espesyal na pabalat  at may palamuting laso. 



At kalakip nito ay  ang mensahe ni Titser Nena 
Sa buong pagmamasid ko hindi lamang kay Titser Nena ang istoryang ito kundi, sampu sa aking mga nakasama ko.Iisa lamang ang nilalaman ng Balikbayan Box nating mga OFW at ito ang PAGMAMAHAL. 



Gintong Aral: 
Ating alalahanin na hindi basta butil ng pawis ang puhunan ng isang OFW dito sa ibang bansa lalo na ng ating mga magulang na naghahanap-buhay kundi butil ng pawis na may kasamang pagmamahal at pangungulila sa mga mahal natin sa buhay. 





  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

2 comments:

Rowena Wendy Lei said...

Sana yun mga naiwan sa Pinas magsikap din at di na lang maghintay ng mga paambon.

Lovingly Mama said...

galing mag pilipino!

Post a Comment