RSS

Si Ian Masunurin - kwentong pambata

"Si Ian Masunurin"
Kategorya : Kwentong Pambata
blogger : Hideki



May isang bata, ang pangalan nya ay Ian Masunurin. Napakasipag na bata ni Ian, lahat ng naiuutos ng mga nakakatanda sa kanya ay sinusunod nya. Ipinagmamalaki siya ng nanay at tatay nya dahil sa kasipagan nya. Masaya si Ian kapag nakakasunod sya sa mga utos sa kanya.

“Anak, hugasan mo nga yung mga pinggan.” utos ng nanay ni Ian.

“Opo, nay!” sagot naman ni Ian. Hinugasan ni Ian ang mga pinggan at pagkatapos nyang maghugas ng pinggan, tinawag naman sya ng tatay nya.

“Anak! Magdilig ka nga ng mga halaman.” utos ng tatay ni Ian.

“Opo, tay!” sagot naman ni Ian. Nag-igib na si Ian sa poso at sinimulan na ang pagdidilig ng mga halaman nila sa kanilang hardin. Pagkatapos nyang magdilig, tinawag naman sya ng kuya nya.

“Oy Ian! Ibili mo nga ako ng meryenda kina Aling Tinay.” utos naman ng kanyang kuya. Agad pumunta si Ian sa may tindahan ni Aling Tinay, at bumili ng meryenda ng kuya nya. Pagkatapos nya ibigay ang meryenda ng kuya nya, narinig naman nya ang boses ng ate nya.

“Ian! halika nga, ipag-timba mo nga ako ng pangbanlaw ko sa labahin ko.” utos ng ate nyang nag-lalaba ng mga damit nila. Agad namang nagtimba si Ian na parang di napapagod. Pagkatapos nilang maglaba, inutusan naman sya ng Tito nya.

“Ian, kunin mo nga yung palakol sa mga Lolo mo.” lumakad agad si Ian papunta sa bahay ng lolo nya para kunin yung palakol na gagamitin ng tito nya. May kabigatan yung palakol pero balewala lang sa kanya. Ibinigay na nya sa tito nya yung palakol.

Maglalaro na dapat si Ian, pero bigla naman sya tinawag ng lola nya, inutusan sya na mamitas ng okra sa bakuran nila. “Apo, mamitas ka nga ng okra, para may maiulam tayo.” dali dali namang kumuha ng basket si Ian at nagtungo na sa taniman nila ng okra.

Iniabot ni Ian ang mga napitas nitong okra sa lola nya. Maglalaro na dapat sya, kaso lang umuwi na pala yung mga kalaro niya. Wala na tuloy siyang kalaro, wala din naman kasi siyang mga laruan.

Nalungkot si Ian. Napansin ito ng nanay, tatay, kuya, ate, tito at lola nya.

Dumating ang pasko, naging abala ang lahat. Utos dito, utos doon. Naging abala din si Ian. Halos kabi-kabila ang mga utos sa kanya. Pero masaya naman sya, kasi nga, pasko na.

Inutusan sya na kunin yung mga regalo sa ilalim ng Christmas tree. Madami yun, may malalaking kahon at meron din namang maliit. Lahat yun ay kinuha nya. Binilang nya yung mga regalo, “isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim” sabi nya sa sarili nya, bakit anim lang. Naisip nya na wala siguro syang regalo.

Nalungkot si Ian, ngunit nagulat siya ng biglang sabay sabay na sumigaw sina nanay, tatay, ate, kuya, tito at lola ng “Maligayang Pasko Ian!” sabay abot sa kanya ng mga kahon ng regalo.

“Dahil naging masipag at masunurin kang bata, may regalo ka sa amin. Tanggapin mo ang mga regalo namin sayo ngayong pasko.”

Masayang masaya si Ian.

Hindi siya magkandatuto sa pagbubukas ng mga nakabalot na regalo sa kanya. Hindi nya alam kung alin ba ang uunahin, kung yung maliliit ba o yung malalaki.

Nabuksan nya ang lahat, at naging masaya si Ian sa natanggap nya na, PSP, malaking robot na Transformers, mga bagong damit, bagong sapatos, remote control na kotse, at mga tau-tauhan nila Ironman, Thor, Hulk at iba pa.

“Sana ay naging masaya ka sa mga bago mong laruan, dapat lang yan sayo kasi naging masipag at masunurin ka.”

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • RSS

1 comments:

Jhiegzh said...

God Bless Hideki! Keep writing!

Post a Comment